.:[Double Click To][Close]:.

PAHIRAM NA PUSO

PAHIRAM NA PUSO
by Bluecloud


Kung minsan, hindi mo alam kung ano ang mga bagay o mga tao na darating sa buhay mo. Hindi ka sigurado kung anong iyong aabangan. Darating ang panahon na me isang tao na biglang susulpot sa harapan mo at bigla mong pagbibigyan ng panahon at pakikipagkaibigan. Sa bawat sandal na kayo ay magkasama ay walang itago ang kasiyahan. Parang hindi mo na gustong matapos ang araw na iyon. Pakiramdam mo ay nasa langit ka. Para kang ipinaghehele sa magandang saliw ng kanta. Bawat bagay na inyong pagsasaluhan ay ubod ng tamis. Ang mga lugar na pinupuntahan ay puno ng magagandang pangyayari. Bawat paghinga, bawat paglagok, bawat kibot at bawat tibok ng puso ay tanging kasiyahan lang na walang pagsidlan. Punong-puno ng pag-ibig, kasiyahan, pagkakaibigan.

Sa bawat maliit na detalye ng buhay na inyong nalalaman ay unti-unting nahuhulog ang kalooban sa taong ito. Bahagyang nakakaramdam ng ibang kurot sa puso. Para bang ito yata yong tinatawag na pag-ibig. At dahil sa nararamdaman na ito ay buong pusong tatanggapin sa buhay mo ang espesyal na taong ito. Ituturing mo na siyang parte ng puso – isang malaking bahagi ng pagkatao. Ngunit pawang lahat ng kasiyahan ay pahiram lamang. Ang masakit, ang taong nais mo sanang makasama ay hindi pala kailanman magiging sa iyo. Siya ay pinahiram lamang – para muli mong maramdaman ang saya ng buhay, ang ligaya ng pag-ibig. Masakit minsan, pero iyon ang katotohanan. Ang mga taong malalapit sa ating puso ay pawang hiram lamang. Darating ang panahon na kailangan na silang pakawalan – kailangang ibalik. Mahirap ngunit kailangan. Yan ang katotohanan. Sana nga’y wala ng puso na pinapahiram lamang. Masakit sa oras na ito ay kailangan ng isoli. Bakit ganun? Iyan ang hindi ko matanto. Basta ang alam ko habang nasa akin pa ang pahiram na puso, patuloy akong magiging Masaya kahit pa bahagi ng pagkatao ko ay malungkot na nag-aabang ng panahon na mawawala na siya.